Si Rosang Magiting

ni Bujay
Larawan mula sa https://ac.upd.edu.ph/index.php/resources/the-asian-center-blog/1781-nana-rosa-play


        Ang kagitingan ay ang pagtataguyod sa dangal ng pagkatao at pagpupunyagi para sa bayan upang mapabuti ang kapuwa kahit katumbas ay sariling dangal at kaluluwa. Ang pirasong kalayaang ating tinatamasa ay bunga ng marubdob na kagitingang naging armas ng ating mga sundalo sa pakikipaglaban hindi lamang sa digmaang pandaigdig kundi maging sa kanilang mga personal na giyera. Madalas ang imahen ng isang sundalo ay nakahulma lamang sa bisig ng mga kalalakihan. Ngunit sa akdang ito, babaliin ang kaisipang lalaki lamang ang sundalo, na sila lamang ang magiting dahil sa nagdaang digmaan, may mga babae ring nagpatunay na ang kagitingan ay walang pinipiling kasarian. Ito’y bilang kaugnay na rin sa
Women’s Month na ipinagdiriwang sa Marso, ang buwan bago ang Abril 9 na Araw ng Kagitingan.

Rosas, isang matinik na bulaklak, may sari-saring kulay at simbolo ng isang magandang babae. Pula ito ibinibigay kapag umiirog ng buhay at puti naman kung ang minamahal ay patay. Ang bulaklak na ito ay hindi lamang palamuti kung hindi ay isang gamit—pangraos ng pagod tuwing inaamoy-amoy ang samyo nito lalo na kung sariwa at pampawi ng inip tuwing hinahaplos-haplos at pinipitas-pitas. Ganito itinuring noon si Rosa Henson, bilang bulaklak at babae ng mga sundalong Hapon. Siya ang pinakaunang lumantad bilang isa sa mga comfort women noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig. Inabot man ng dekada bago niya isiwalat ang kaniyang marahas na pinagdaanan, batid pa rin sa kaniya ang katapangan upang muling buksan ang mala-kahon ni Pandorang kaniyang pilit na isinara habang patuloy na nabubuhay.

Si Rosa o Maria Rosa Henson ay anak sa labas ni Don Pepe Henson kay Julia Luna. Bunga siya ng panggagahasa ng kaniyang ama sa noo’y nahihimbing na dalagang ina. At sa isang malupit na kapalaran, ang panggagahasang ito ay sinapit rin ni Rosa noong siya ay bata pa lamang, pero hindi ng kaniyang ama sapagkat minahal naman siya nito kundi sa mga sundalong hapon.

Sumiklab na noon ang digmaan at upang hindi pasabugin ang Maynila, idineklara itong “Open City” noong Disyembre 26, 1941 nang sa ganoon ay mapanatili ang kapayapaan sa lungsod, ngunit taliwas pa rin ang naging pangyayari. Nasa Maynila na noon si Rosa at dahil mas naging mahirap ang buhay, pinasok niya at ng kaniyang pamilya ang lahat ng uri ng trabaho kabilang na ang pagpupulot ng kahoy sa Fort McKinley. Isang araw habang kasama niya ang kaniyang tiyuhin, nakita siya ng dalawang sundalong hapon at agad na dinukot upang halayin. Wala namang magagawa ang kaniyang tiyuhin noon sapagkat wala naman siyang laban sa kanila. Ngunit dumating ang isang opisyal at bago pa nila babuyin ang noo’y batang si Rosa, pinatigilan niya ang mga ito. Ito’y hindi para iligtas siya kundi para paunahin muna siya bago sila, marahas at baboy! Nang makabalik si Rosa sa kaniyang pamilya, ang sabi ng kaniyang ina at tiyuhin, huwag na lamang ipaalam sa iba ang pangyayari upang hindi siya mawalan ng dangal at makapamuhay pa ng normal, ibaon na lamang sa limot ang naganap at huwag nang hukayin pa. Sumunod naman si Rosa.

Lumipas ang mga araw, hindi niya nga hinalungkat pa ang nangyari. Lumipat siya kasama ang kanyang ina sa Pampang, isang baryo sa Angeles, Pampanga. Tumira sila sa bahay ng kaniyang tiuyin na si Kumander Pinatubo, ang lider ng Hukbalahap. Sumali rin siya sa Huk dahil sa galit niya sa pambababoy sa kaniya ng mga sundalong Hapon. Ang tungkulin ni Rosa sa grupo ay ang mangolekta ng mga gamot, damit at pagkain para sa mga sundalo at mamamayang Filipino. Bilang miyembro, ginamit niya ang pangalang “Bayang” upang maikubli ang kaniyang tunay na pangalan.

At sa pinakamalas na pagkakataon noong Abril 1943, isinama siya upang magdala ng mga kahoy at baril kasama ng mga miyembro ng samahan sa paniniwalang lalambot ang kalooban ng mga sundalo upang payagan silang dumaan kapag nakita siya bilang isang bata at babae. Sa pagkakatagpo nila ng mga sundalong hapon, pinadaan nga ang kanilang mga dala, ngunit si Rosa ay kanila namang dinukot. Dinala siya sa isang dating ospital kung saan walang bintana at tanging singaw lamang sa gubida ang nakikitang dinudungawan ng liwanag. Doon, may nakita siyang mga kapwa babae, umiiyak, kaawa-awa, kalunos-lunos ang kalagayan. Sa ospital na ‘yon siya ay tuluyang namatay habang patuloy na nabubuhay. Ginawa siyang isa sa mga parausan o comfort women ng Japanese Imperial Army kung saan halos oras-oras siyang hinahalay ng pauli-ulit ng isang batalyong sundalo. Minsan hinahayaan silang magpaaraw sa labas ng ospital kung saan tanaw nila ang malawak na mundo ngunit ang pinakamasakit lang ay nakikita nga nila ito ngunit alam naman nilang hindi naman sila makalalabas dahil napakatayog ng bakod. Nanirahan si Rosa kasama ang iba pang mga comfort women sa ospital ng tatlong buwan at noong August 1943, inilipat sila sa gilingan ng palay sa may Henson Road, at oo, pagmamay-ari iyon ng pamilya ng kaniyang amang si Don Pepe Henson.

Hanggang sa lumipat sa malaking bahay malapit sa gilingan ang mga opisyal noong Disyembre 1943, isa na sa kanila si Captain Tanaka, ang opisyal na unang gumahasa kay Rosa sa Fort McKinley. Nilipat niya si Rosa sa kaniyang bahay dahil nagkagusto siya rito. Tinawag niya itong “Bara” bilang ito ang katawagan sa rosas sa Nihonggo. Hindi naman nagbago ang kapalaran ni Rosa sa matapos ang paglipat niya kay Tanaka, ginagahasa pa rin siya nito, pero naging mas mabuti siyang hayop kumpara sa talupad ng mga sundalong umaatungal sa kaniya sa ospital at sa gilingan.

Noong magkasakit si Rosa ng malaria, hindi pa rin natigil ang pambababoy sa kaniya dahil maging ang doktor na tumingin sa kaniya ay hinalay rin siya. Nang lumakas ay ibinalik siya ni Tanaka sa kaniyang bahay at tinuruan siya ng kaunting Nihonggo upang kahit papaano’y magkaunawaan sila. Isang araw, habang nag-uusap si Tanaka at isa pang opisyal. Naulinigan ni Rosa na plano nilang sunugin ang Pampang, lugar kung saan siya nakatira noon kasama ang kaniyang pamilya. Natakot si Rosa para sa seguridad ng kaniyang pamilya kaya’t noong oras ng kanilang pagpapaaraw, nagtungo siya sa pinakagilid ng espasyo malapit sa mataas na bakod kung saan niya ibinulong sa nakitang dumaraan ang planong pagsunog sa Pampang upang mabalaan ang mga tao. Nakapaghanda ang mga tao sa Pampang at hindi natuloy ang akmang pagsunog kung kaya’t iginapos si Rosa dahil hinala ng mga opisyal na siya ang nagbabala. Nang lumusob ang mga Huk sa lugar, kasama si Rosa sa mga babaeng nailigtas. Dahil wala siyang malay, binuhat siya ng isa sa mga guerilla kahit sinusundan sila ng mga sundalong Hapon. Ngunit nang hindi na nakayanan ang bigat niya, iniwan siya sa gilid ng kalsada, mabuti na lamang ay nakita siya ng kaniyang tiyahin at doon na dinala sa kanilang tahanan upang makita ng kaniyang ina.

Noong 1992, kahit isang malaking bangungot muli ang pag-alala sa kaniyang nakaraan, hinarap niya ito. Lumantad siya bunsod ng panawagan sa radio at buong tapang niyang ikinuwento ang kaniyang masalimuot na karanasan upang buksan ang pintong magiging daan upang lumantad rin ang iba. Hindi siya ang sundalong may baril noong panahon ng digmaan ngunit siya naman ang bombang umalog sa kaayusan upang ipaglaban ang noo’y imposibleng katarungan. Lumakas ang laban niya para sa hustisya nang lumantad rin ang iba pang mga comfort women at lumaban rin para sa tunay na hustisya mula sa gobyerno ng Japan. Ang nakalulungkot lamang (sa pagmamasid ko sa lipunan bilang isang kabataan) ay maging ang ating pamahalaan ay wala nang ginagawa upang ungkatin at suportahan sila sa kanilang laban. Tanong ko, bilang apo, ganoon na lamang ba iyon?

Hindi lamang sa bansa mayroong mga comfort women ang Japanese Imperial Army noong panahon ng digmaan. Sa katunayan, may nauna pa ngang lumantad bago si Nana Rosa mula sa Korea na si Kim Bok Dong. Mayroon rin mula sa Taiwan at iba pang mga bansa. Nakatutuwang isipin dahil sa kanilang paglantad at paglaban para sa katarungan, kaagapay nila ang kanilang mga pamahalaan. Ngunit sa ating bansa, noong 2018, ang rebulto ng comfort women na itinayo sa Roxas Boulevard bilang pag-alala at pakikiramay sa mga naging pighati nila ay binuwag, para saan? Ito’y para sa pag-aayos ng flood control program ng gobyerno. Maganda at lubos na makatutulong ang proyektong ito para sa mga mamamayan, ngunit ang pagwasak at hindi na muling pagbalik sa rebulto ay isang simbolo ng pagwasak rin, hindi pagkilala at kawalan ng simpatya para sa mga naging Filipina comfort women na naging biktima ng Japanese Imperial Army.

            Ilang dekada na rin ang nagdaan matapos ang malagim na digmaan ngunit hindi pa lahat ng sugat na idinulot nito ay tuluyan nang naghilom. Ang ilan ay nagdurugo pa rin, tinakpan lamang ng makapal na gasa upang ikubli. Si Nana Rosa bilang bayani ng kaniyang naging realidad ay isa sa mga simbolo ng katapangan na kailanma’y hindi binigyan ng sapat na pansin. At malinaw para sa akin na ang akdang ito ay isang pagbali sa alituntunin at pag-alog rin ng kaayusan ng kasalukyang huwad na katahimikan dahil hindi ko naman kamag-anak si Nana Rosa o kahit sino sa mga naging comfort women at ang sanaysay na ito ay hindi galing sa aktuwal na panayam mula sa kanila bagkus ay nagmula sa autobiography ni Nana Rosa na nailathala noong 1996. Ngunit tumitindig ako dahil higit pa sa dugo ang pakikiramay, pagkilala at pakikiisa sa kanilang laban. Hindi lamang ako isang mamamayan bagkus ay apo at anak rin kung kaya’t sa pamamaraan ng pagsulat, nawa’y magising ko ang inyong mga nahihimbing na simpatya upang makatulong tayo sa kanilang pagsulong, upang makamit ang hustisya at maitayong muli ang kanilang mga nabaong dangal sa lipunan hindi lamang bilang mga beterano bagkus ay bilang mga kababaihan.


Hindi banta ang pagkilala at pagtulong sa kanila upang ipaglaban ang kanilang mga hinaing kundi isang hakbang upang tuluyang patahimikin ang mga multo ng nakaraan at tuluyang hilumin ang sugat sa pagitan ng ating bansa at ng Japan. Ito ay upang sa ganoon, makamit natin ang tunay na pagkakaisa, katarungan at ang kalayaan bilang mga mamamayang Filipino. 


Sanggunian:

Henson, M. R. (1996). Comfort Woman: Slave of Destiny. Pasig City: Philippine Center for Investigative Journalism.



Pagbati sa Dulaang Unibersidad ng Pilipinas sa muling pag-ungkat sa kuwento ni Nana Rosa at sa pagbibigay hustisya sa kaniyang talambuhay. Mahuhusay at matatapang ang mga gumanap at hindi lamang sila basta umarte at nagpatindig ng balahibo, ginising rin nila ang kamalayan ng mga manonood upang humayo at suportahan ang ipinaglalaban ni Nana Rosa noong siya ay buhay pa (na patuloy ipinaglalaban ng mga ilang grupo sa kasalukuyan). Makakaasa kayo na ito'y hindi lamang mananatili bilang isang istoryang inilahad bagkus ay aral na ikinintal sa aming mga isipan bilang mga manonood, apo at mamamayan ng Filipinas. 

Comments

Popular Posts