Usad Kolehiyala
ni Bujay
Sinong binusog ng pagod
ang siyang ginutom ng tulog?
Sinong ginising ng tala
ang siyang pinahimbing ng umaga?
Sinong niyakap ng luha
ang siyang itinulak ng ligaya?
Ako.
Binilisan ko kasi
kasabay ng nagmamadaling araw
lisanin ang buhay ko, diyan
kapalit ng kinabukasang malabo, dito.
Nang papunta'y ang mga magulang ko,
ang mismong humabol
sa bus nang may
pagpipigil.
Alam kong ayaw nila akong pakawalan
nang nag-iisa. Pero kailangan.
Hindi nga nakabili ang Nanay ng inumin
paandar na kasi ang sasakyan
kaya hinayaan ko nalang ang pagkauhaw
at niyakap nalang sila nang mahigpit saka hinalikan,
at biglang tinalikuran
nang 'di ko makita
bagyong nagbabadya
sa gilid ng kanilang mga mata
"Asikasom ditan. (Mag-ingat ka diyan.)
Anggano ag mo la naperpek. (Kahit 'di mo na ma-perfect.)"
Comments
Post a Comment