Bituin sa Gitna ng Daluyong
Ni Bujay
“Ding! Dong! Ding! Dong! Pasko! Pasko! Pasko na namang muli! Tanging araw na ‘ting pinakamimithi”, ang kantang gumigising sa akin sa umaga dahil sa nalalapit na ang araw ng kapanganakan ng ating dakilang Maykapal! Kaya dali dali akong gumising at naghanda. Nakita ko si Nanay na masayang nagluluto ng aming agahan, si Tatay naman ay masiglang naglilinis na pakanta-kanta pa nga eh, si Ate at si Kuya naman ay nagsasabit na ng Parol at nag-aayos na ng aming Krismas tri.
Nang sumilip ako sa aming kapitbahay na si Aling Maria ay nakita ko siyang nagsasabit ng mga palamuti sa kanyang binatana samantalang si Mang Isko naman ang naglalagay ng medyas para kapag dumaan daw si Santa Claus maghuhulog daw siya ng maraming aginaldo. Sa pagsapit naman ng gabi sama-sama kaming pumupunta sa simbahan para sa nakagawiang simbang gabi ngunit paglabas pa lamang ng pinto maririnig mo na ang napakalambing at matamis na boses ng mga mangangaroling. Pagkatapos ng misa pumupunta kami sa harap ng simbahan sa may pwesto ni Aling Ines dahil hinding-hindi namin kinakaligtaang bumili ng mainit init na puto bumbong at manamis-namis na bibingka nakasanayan naming kainin tuwing sumasapit ang kapaskuhan. Ganito kami palagi, masaya nagtutulungan, nagkakaisa at puno ng pagmamahalan.
Pag-uwi namin sa bahay dali-daling pinuntahan ni Mang Isko ang kanyang mga medyas, baka naghulog na daw si Santa ng mga salapi. Hahaha! Ang saya talaga. At dahil umaga na naman binuksan ni Tatay ang telebisyon upang mapanood ang kasalukuyang balita.
“Inaabisuhan ang mga mamamayan na maghanda para sa darating na bagyo mamayang gabi dahil ayon sa PAGASA ito’y magdadala ng mga malalakas na hangin na maaaring sumira sa mga kabahayan kasabay pa nito ang pagtaas lebel ng tubig”, sabi ng nagbabalita. “Hay Naku! Hindi totoo yan! Matagal na kami rito ngayon lang babagyuhin?”, sabi ni Aling Maria.
Kinagabihan, unti- unti nang nagpaparamdam ang pangangalit ng kalikasan, maririnig sa labas ng aming bahay ang malakas na ungol ng hangin na sinasabayan pa ng nakakatakot na dagundong ng kalangitan at liwanag na tila tabak na gumuguhit sa kalawakan…nang biglang nahulog ang picture frame naming pamilya mula sa kinalalagyan nitong lamiseta sa harapan ng bintana dahil sa lakas ng hampas ng hangin. Ayan na nga! Tama ang balita! Babagyo nga ng sobrang lakas! Dali-dali kaming nagdasal na sana’y maligtas kaming mag-anak maging ang aming pamayanan.
Paglipas pa ng ilang saglit nagpatuloy ang pangangalit ng kalangitan, walang anu-ano bigla kaming nakarinig ng malalakas na sigawan at iyakan sa di kalayuan..
“Ahhhhh! Tulong! Ang anak ko nalulunod na! Tulungan nyo kami!” Sabi ng isang babaeng umiiyak. Nang marinig ito ni Tatay dali-dali siyang lumabas  at iniligtas ang bata.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, sa isang iglap napalitan ng kalungkutan at paghihinagpis ang dating masaya at nagmamahalang pamilya. Ang mga makukulay na bahay na nagmimistulang tala sa gitna ng dilim ay naging basahan dahil sa sobrang pagkawasak at ang tanging matutuluyan ng mga mamamayan ay ang Evacuation Center na puno ng pagpapasakit. Nakakalungkot isipin ngunit sa isang iglap ay nawala lahat ng mga masasayang bagay na nagpapaalala ng kapaskuhan.
Ngunit nabuhayan ako ng loob, nang aking makita ang isang bagay na tila bituin sa gitna ng daluyong, ito’y isang parol na sa kabila ng mga pangayayari ay matatag pa ring nakasabit sa isang puno sa gitna ng lampas taong baha. Ito’y sumisimbolo na may bukas pa para kami’y bumangon. Sadyang tayong mga Pinoy ay hindi patitinag!.
Sigawan ng mga tao ang tanging gumising sa aking natutulog na diwa. “isa! Dalawa! Tatlo! Hilaaaa!” sigaw nila, nagbabayanihan pala sila. Sabi ko na nga ba, tayo’y sadyang kakaiba. Babangon at babangon anumang pagsubok ang dumating. Pagkatapos ng ilang araw, kami’y tuluyan ng nakakabangon. Hindi ko namalayan isang araw nalang pala ay pasko na, paano kaya kami makakapagdiwang ng pasko gayong wala kaming handa?
Pagkatapos naming maghapunan, nakinig si Tatay sa radyo upang malaman ang kalagayan ng aming barangay, laking gulat naming lahat na may bagyo na namang darating! Pagkaraan lamang ng ilang oras ay unti-unti na namang lumakas ang hangin at bumuhos muli ang napakalakas na ulan. Ilang saglit pa ay may narinig akong sumisigaw.. daluyong! Daluyong! Isang napakalaking alon ang paparating Magsilikas kayo!! Sa sobrang takot at kaba ko ako’y natapilok. Tapos biglang parang may bagay na tumama sa aking ulo, nahulog na pala ako sa aking higaan”Hayy salamat! Panaginip lang pala ang lahat”.

Anak! Anak! Ang tawag ng aking ina, gumising ka na at tayo’y magsisimbang gabi, Pasko na!!

(ctto of the picture)

Comments

Popular Posts